Posibleng ipatupad sa lungsod ng Cauayan ang pagbabawal sa pagbabaybay ng mga hindi LTO-registered na e-vehicles sa mga national highway sa lungsod.
Sa isinagawang first quarter City Peace and Order Council Meeting, sinabi ni Mayor Jaycee Dy na ito ay alinsunod sa mga umiiral na national law.
Ayon sa alkalde, maaari pa ring makabiyahe ang mga e-vehicle sa mga inner roads tulad ng mga barangay road at city road. Posible rin umanong mapabilang sa mga kalsadang hindi na maaaring daanan ng mga unregistered vehicle ang Canciller Avenue, na dati nang idineklara bilang national highway.
Gayunman, nilinaw ng alkalde na pag-aaralan pa ito ng lokal na pamahalaan at ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan upang makapagpasa ng ordinansa kaugnay nito.
Una rito, iprinisinta ng Public Order and Safety Division (POSD) sa nasabing pagpupulong ang mga planong pagpupulong kaugnay pa rin sa mga light electrical vehicles sa lungsod ng Cauayan.
Kabilang sa mga ipinagmalaki ng POSD ang matagumpay na pagpapatupad nila ng clamping ng mga sasakyang lumalabag sa batas lansangan.











