
CAUAYAN CITY – Sumakabilang buhay sa ospital kahapon ang 7-anyos na batang biktima ng naganap na banggaan ng motorsiklo at kotse sa Maligaya, Echague, Isabela noong Linggo.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Echague Police Station, isang itim na Yamaha MIO ang minaneho ni Jhody Iddurut, 36-anyos at backride nito ang kanyang anak na si Gerald Iddurot, 7-anyos at ang asawa nito na si Rosalie Iddurot, 35-anyos.
Habang ang TOYOTA VIOS na nakabanggaan ng motorsiklo ay minaneho ni Virgilio Pascual Jr., 37-anyos, may asawa at residente ng Nagassican, Santiago City.
Nasawi ang biktimang si Gerald habang ginagamot sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City matapos magtamo ng traumatic brain injury habang nagtamo ng mulitple fracture ang kanyang mga magulang at sugatan din ang tsuper ng sasakyan na si Pascual.
Magugunitang binabagtas ng kotse ang daang Maharlika patungong timog na direksyon nang makarating sa Brgy. Maligaya ay nakasalubong ang motorsiklong minaneho ni Iddurut.
Nag-overtake sa sinusundang sasakyan si Iddurut at umagaw sa linya ng sasakyan ni Pascual na naging dahilan ng kanilang banggaan.
Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng sira at nayupi ang harapang bahagi ng sasakyan habang tumilapon sa daan ang tatlong sakay ng motorsiklo.










