--Ads--

CAUAYAN CITY – Pumalo sa mahigit isang milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng aksidenteng naganap sa Pambansang Lansangan na bahagi ng Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.

Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang pagkakasangkot sa aksidente ng isang Trailer Truck na minaneho ni Wilfredo Faustino, 66-anyos, may-asawa, kasama ang pahinante nito na si Christopher Flores, 42-anyos, residente ng Bulacan.

Nadamay sa aksidente ang isang Wing Van Truck na minaneho naman ni Walter Taguinod, 44-anyos, may asawa at residente ng Tuguegarao City, Cagayan.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Diadi Police Station na binabagtas ng dalawang sangkot na sasakyan ang magkasalungat na linya kung saan patungong Isabela ang Trailer Truck habang patungong Nueva Ecija naman ang Wingvan Truck na naglalaman ng sako-sakong feeds.

--Ads--

Nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay bigla na lamang umanong nagsalubong sa gitna ng kalsada ang dalawang sasakyan at nagkasalpukan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni  FO1 Mark Silaroy ng BFP Diadi na matapos ang banggaan ay napadpad sa Northbound shoulder lane ang wingvan truck at natanggal ang tangke sanhi para magliyab at nagkaroon ng sunog.

Dahil sa pagkakasunog ng nasabing sasakyan ay nadamay na nasunog ang isang tindahan na pagmamay-ari ni Marites Garcia at isang bahay na pagmamay-ari naman ni Delmar Garcia.

Natupok ng apoy ang tindahan at bahay na gawa sa Light Material habang 80% naman ng kargang Feeds ng Wingvan ang nasunog.

Napadpad naman sa Southbound shoulder lane ang Trailer truck at nadamay na nasunog ang harapang bahagi ng sasakyan.

Nasa pagamutan pa rin ang tatlong sakay ng dalawang sasakyan  habang tumagal naman ng isang oras at tatlumpung minuto ang sunog  bago naapula ng BFP Diadi.

Aabot sa mahigit isang milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng aksidente.

Pinaalalahanan ng BFP Diadi ang mga motorista na palaging  suriin ang kanilang  BLOWBAGETS (battery, lights, oil, water, brake, air, gas, engine, tire, at self o sarili) at maging maingat sa pagbagtas sa mga lansangan sa bayan ng Diadi dahil delikado ang daan sa nabanggit na bayan.