--Ads--

Binulabog ng bomb threat ang University of Perpetual Help System – Isabela Campus ngayong Martes, ika-2 ng Setyembre dahilan upang suspendihin ang operasyon ng naturang paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jaycy Calagui, Director ng Student Personnel Services ng UPHSL- Isabela, sinabi niya na alas-5 kaninang umaga nang una nilang matanggap ang bomb threat sa pamamagitan ng isang mensahe na ipinadala sa page ng paaralan. Dakong 6:36 ng umaga ay may nagpadala muli ng kaparehong pagbabanta sa page ng SPS.

Agad naman nilang inabisuhan ang mga security guards upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel.

Nang maipaalam sa School Director ng paaralan ang tungkol sa bomb threat ay agad silang nagsagawa ng  pagpupulong kasama ang mga school heads at napagdesisyunan na idaan na lamang ang anunsiyo sa group chats ng bawat college department.

--Ads--

Maayos namang nakalabas sa bisinidad ng paaralan ang mga mag-aaral at staff.

Sa ngayon ay sinusuri na ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) Unit, Special Weapons and Tactics (SWAT) at Cauayan City Police Station ang bisinidad ng naturang paaralan.

Tiniyak naman ni Calagui na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang siguruhing ligtas ang mga estudyante at manggagawa ng UPHS-Isabela habang nireresolba ang naturang pagbabanta.