--Ads--

Nagpaabot ng tulong ang Estados Unidos at Japan sa Pilipinas sa gitna ng pagbangon ng bansa mula sa serye ng mga kalamidad kabilang ang pananalasa ng Bagyong Tino, mga naunang bagyo, at ang lindol na tumama sa Cebu.

Nangako ang Estados Unidos ng 1 Million dollar o humigit-kumulang 58 Million pesos bilang emergency aid para suportahan ang mga operasyon ng relief sa mga lugar na labis na naapektuhan ng Bagyong Tino.

Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan ang Japan na tumulong sa pagsisikap ng bansa na makabangon mula sa pinsala.

Ayon sa pahayag ng US Department of State nitong Sabado, ang naturang tulong ay ipagkakaloob sa koordinasyon ng Philippine Government at mga local organizations,  lalo na at may panibagong malakas na bagyong nagbabantang pumasok sa bansa.

--Ads--

Samantala nagpaabot naman ng pakikiramay si Japanese Defense Minister Shinjiro Koizumi sa mga biktima ng bagyo at sa mga pamilya ng mga kasapi ng Philippine Air Force na nasawi sa pagbagsak ng helicopter habang nagsasagawa ng relief operations.

Sa isang liham na ipinadala kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at ipinost sa kaniyang X account nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni Koizumi na ang Japan ay handanga magbigay ng suporta at kooperasyon at nananatiling kasama ng Pilipinas sa panahong ito ng mga pagsubok.

Batay sa pinakahuling datos ng pamahalaan, umakyat na sa 188 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Tino, habang 135 pa ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.

Libo-libong pamilya ang napilitang lumikas matapos ang matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Visayas na nakaapekto rin sa ilang lugar sa Mindanao.