Isang US aircraft na kilala sa bansag na “doomsday plane” ang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA noong Linggo, ayon sa Philippine Air Force o PAF.
Sa pahayag ng PAF nitong Lunes, sinabi nitong ang Boeing E-4B aircraft ay pansamantalang nanatili sa NAIA para sa refueling at crew rest.
Ayon pa sa PAF mayroong diplomatic clearance ang eroplano ngunit walang VIP visit na kaugnay nito sa Pilipinas.
Dagdag pa ng PAF, babantayan at tutulungan nila ang naturang eroplano habang nasa bansa ito para sa isang diplomatic layover hanggang sa nakatakda nitong pag-alis ngayong araw ng Lunes.
Ang pagdating ng naturang eroplano sa bansa ay naganap kasabay ng paglalakbay ni US President Donald Trump patungong Japan para sa ikalawang bahagi ng kanyang Asia tour, na inaasahang magtatapos sa isang pulong kay Chinese President Xi Jinping.
Nagsimula ang biyahe ni Trump sa Malaysia para sa taunang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit na dinaluhan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang E-4B, na madalas tawaging “doomsday plane,” ay dinisenyo upang magsilbing airborne command center sakaling magkaroon ng national emergency o masira ang mga command at control center ng Estados Unidos sa lupa.
Ang nasabing sasakyang panghimpapawid ay National Airborne Operations Center ng Amerika at isa sa mga pangunahing bahagi ng National Military Command System para sa US president, Secretary of Defense, at Joint Chiefs of Staff.











