Nagbabala ang US Embassy sa Baghdad nitong Huwebes na maaaring magsagawa ng pag-atake ang mga pro-Iran armed groups sa loob ng isa hanggang dalawang araw.
Ayon sa embahada, may indikasyon na ang mga milisyang kaalyado ng Iran ay nagbabalak na umatake sa sentro ng Baghdad sa loob ng susunod na 24 hanggang 48 oras. Dahil dito, muling nanawagan ang embahada sa mga Amerikano sa Iraq na lisanin agad ang bansa.
Matatandaang ilang beses nang naging target ng pag-atake ang US Embassy sa Baghdad, kasabay ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran. Kamakailan, tatlong Mobilisation Forces (PMF) figthers ang nasawi sa isang strike na ibinintang sa US at Israel.
Bukod sa Baghdad, tinamaan din ng karahasan ang Kurdistan region sa Iraq, kung saan higit sa 500 pag-atake ang naitala mula nang sumiklab ang labanan. Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa 30 drone ang umatake sa Erbil at Duhok, bagama’t walang naiulat na nasawi.
Sa kabila ng mga kasunduan ng Washington at Baghdad na palakasin ang kooperasyon laban sa mga pag-atake, sinabi ng US Embassy na hindi napigilan ng pamahalaan ng Iraq ang mga teroristang operasyon mula sa kanilang teritoryo.
Ang babala ay kasunod ng pagkidnap sa isang American journalist sa Baghdad nitong Martes, na iniuugnay sa grupong Kataeb Hezbollah.







