Opisyal nang nagsimula ang shut down ng gobyerno ng Amerika matapos hindi magkasundo ang mga mambabatas sa isang funding measure para mapanatiling bukas ang kanilang pamahalaan.
Batay sa mga ulat, nasa 750,000 federal workers ang maaapektuhan kung saan marami ang pansamantalang mawawalan ng trabaho bunsod ng pansamantalang pagkahinto ng ilang serbisyo ng Gobyerno.
Ang mga mahahalagang serbisyo naman tulad ng seguridad at kalusugan ay magpapatuloy.
Ayon sa ulat ng Congressional Budget Office (CBO), hindi makatatanggap ng sahod ang mga apektadong empleyado ng gobyerno maliban na lamang sa mga miyembro ng kongreso at sa pangulo ng Estados Unidos.
Gayunman, ayon sa federal law, makatatanggap pa rin umano ng back pay ang lahat ng empleyado kapag natapos na ang shutdown.
Ito ang unang pagkakataon na nagsara ang US government sa loob ng anim na taon.









