--Ads--

Nagpahiwatig ang Estados Unidos ng posibilidad ng paggamit ng military force upang makuha ang kontrol sa Greenland, isang hakbang na agad tinutulan ng mga lider sa Europa at Canada na iginiit na ang teritoryo ay pag-aari ng mamamayan nito.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng White House na itinuturing ni US President Donald Trump ang pagkuha sa Greenland, na bahagi ng Denmark, bilang isang national security priority upang hadlangan umano ang mga kalaban ng Amerika sa Arctic Region. Ayon sa pahayag, pinag-aaralan ng administrasyon ang iba’t ibang opsyon, kabilang ang paggamit ng militar kung kinakailangan.

Ang anumang tangka ng Estados Unidos na agawin ang Greenland mula sa Denmark, isang matagal nang kaalyado, ay inaasahang magdudulot ng matinding tensiyon sa loob ng NATO at lalo pang magpapalalim ng hidwaan sa pagitan ni Trump at ng mga lider ng Europa. Gayunman, hindi ito naging hadlang sa paninindigan ng US president.

Muling nabuhay ang interes ni Trump sa Greenland, na una niyang binanggit noong 2019, matapos ang pagdukot ng Estados Unidos kay Venezuelan President Nicolas Maduro sa isang operasyon sa Caracas. Iginiit ni Trump na mahalaga ang Greenland sa pambansang seguridad ng Amerika, at inangkin niyang kulang ang kakayahan ng Denmark na ipagtanggol ang isla laban sa impluwensiya ng Russia at China.

--Ads--

Paulit-ulit namang iginiit ng Greenland, na may populasyon na humigit-kumulang 57,000 lamang, na ayaw nitong mapasailalim sa Estados Unidos.