--Ads--

Tiniyak ng Army’s 4th Infantry Division (4ID) sa publiko na limitado lamang sa itinakdang lugar ang aktibidad ng mga sundalong Amerikano na kasalukuyang nasa Cagayan de Oro City para sa joint exercises kasama ang mga sundalong Pilipino.

Ayon kay Col. Ricky Canatoy, assistant chief of staff for civil-military operations ng 4ID, umaabot sa 150 sundalong Amerikano ang nasa Cagayan de Oro para sa dalawang linggong pagsasanay kaugnay ng humanitarian assistance and disaster relief (HADR).

Bahagi ang naturang training sa taunang Balikatan Exercises ng Pilipinas at Estados Unidos.

Isinasagawa ang HADR training sa Godofredo P. Juliano Air Base ng Philippine Air Force sa Barangay Lumbia, gayundin sa Macabalan Port kung saan nakadaong ang US Navy supply ship na USNS Seay.

--Ads--

Nagsimulang dumating ang mga sundalong Amerikano noong Marso 8, na nagdulot ng pangamba sa ilang residente. Lalong umigting ang mga alalahanin noong Marso 15 nang dumaong ang barko ng US Navy sa Macabalan Port.

Dahil dito, ipinatawag ng konseho ng lungsod ang mga opisyal ng militar sa kanilang sesyon upang sagutin ang mga tanong hinggil sa presensya at aktibidad ng mga sundalong Amerikano sa lungsod.

Ipinahayag naman ni Councilor Edgar Cabanlas ang kanyang pangamba sa posibleng legal na implikasyon sakaling may magawang paglabag ang mga dayuhang sundalo habang nasa lungsod.

Sa kabila nito, tiniyak ni Canatoy na malabong mangyari na ang mga sundalong Amerikano ay magtungo sa mga entertainment areas sa lungsod.