Muling umusbong ang matinding trade war sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Ito ay matapos na patawan ni US President Donald Trump ng 100% tariff ang mga produktong mula China at ang pagsasailalim sa mahigpit na export control ng Estados Unidos sa “anumang critical software,”
Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, ito ay tugon ni Trump sa hakbang ng Beijing na higpitan ang pag-export ng rare earth minerals, mga materyales na mahalaga sa teknolohiya at manufacturing ng smartphones, electric vehicles, at missile systems.
Kung matatandaan nangunguna ang China sa exportation ng rare earth minerals at mahigit 90% ng supply sa buong mundo ay kanilang kinokontrol.
Dahil sa pahayag ni Trump, bumagsak ng higit 2% ang S&P 500 index ang pinakamalaking pagbaba sa isang araw mula Abril 2025.
Nagresulta ito sa paglipat ng mga investors sa mas ligtas na assets tulad ng ginto at U.S. Treasury securities, habang humina ang dolyar kontra sa iba’t ibang foreign currencies.
Ang panibagong taripa ay epektibo sa unang araw ng Nobyemre habang may panibagong 40% para naman sa produktong bakal.
Dahil sa trade war posibleng magkaroon ng price disruption na maaaring humantong sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin.






