--Ads--

Naghahanda na umano ang Estados Unidos na harangin ang isang oil tanker na tumatakas at ngayo’y sinasabing nasa hurisdiksiyon ng Russia. Posible itong humantong sa direktang alitan ng Washington at Moscow kaugnay sa magiging kapalaran ng naturang barko.

Ang oil tanker, na dating may pangalan na Bella 1, ay pinatawan ng sanction ng US noong 2024 matapos mapabilang sa tinaguriang “shadow fleet” na ginagamit sa iligal na pagdadala ng langis. Una itong natukoy na patungong Venezuela ngunit biglang nagbago ng direksyon nitong nakaraang buwan upang makaiwas sa posibleng pagkumpiska ng US Coast Guard.

Batay sa open-source vessel data mula sa trade intelligence firm na Kpler, nasa North Atlantic ang tanker dalawang araw na ang nakalipas at patungong hilagang-silangan malapit sa baybayin ng United Kingdom.

Habang hinahabol, pininturahan umano ng crew ang barko ng watawat ng Russia at iginiit na ito ay nasa ilalim ng proteksiyon ng Moscow. Kalaunan, lumitaw ang barko sa opisyal na rehistro ng mga sasakyang-pandagat ng Russia sa bagong pangalan na Marinera. Dahil dito, nagsumite ang Russia ng pormal na diplomatic request noong nakaraang buwan na itigil ng US ang pagtugis sa barko. Ang pag-angkin ng Russia sa tanker ay maaaring magpalabo sa legal na batayan ng posibleng pagsamsam dito.

--Ads--

Tumanggi ang White House na magbigay ng pahayag kaugnay ng isyu, bagama’t unang iniulat na may plano ang US na kumpiskahin ang naturang tanker. Ayon sa dalawang source, balak din ng US na harangin ang iba pang oil tanker na may sanctions at sinasabing umiwas sa awtoridad nitong mga nakaraang araw.

Noong nakaraang buwan, inanunsiyo ni US President Donald Trump ang isang “complete blockade” laban sa mga oil tanker na may sanctions na papasok o lalabas ng Venezuela. Inaresto naman ng US si Venezuelan President Nicolás Maduro sa isang compound sa Caracas noong Sabado ng madaling-araw, at sinabi ni Secretary of State Marco Rubio na ipagpapatuloy ang blockade bilang “leverage” laban sa pansamantalang pamahalaan ng Venezuela.

Kasabay ng mga planong ito, namataan ang US P-8 surveillance aircraft na lumilipad mula sa RAF Mildenhall sa Suffolk, England na umano’y nagmamanman sa tanker, batay sa open-source flight data. Mayroon ding mas malawak na paglipat ng mga US military asset patungong United Kingdom. Sa loob ng nakalipas na 48 oras, hindi bababa sa 12 US C-17 aircraft ang lumapag sa Fairford at Lakenheath airbases, habang ilang V-22 Osprey at dalawang AC-130 gunship ang dumating sa mga base ng US sa UK.

Ipinapakita rin ng flight data na may dalawang KC-135 aerial refueling tanker na lumipad sa North Atlantic, na posibleng sumusuporta sa operasyon ng US Forces sa lugar.

Ayon sa mga source, gumamit na dati ang US ng Special Operations Forces upang tulungan ang US Coast Guard sa pagsamsam ng isang tanker malapit sa Venezuela noong Disyembre 11. Posible umanong kailanganin muli ang ganitong operasyon sa North Atlantic, bagama’t mas magiging komplikado ito dahil sa masamang lagay ng panahon at sa pag-angkin ng Russia sa barko.

Dagdag pa ng ulat, ang pagsamsam sa Bella 1 ay mangangailangan ng Maritime Special Response Team na may karanasan sa pagsampa at pagkontrol ng mga barkong tumatangging sumunod sa awtoridad.