--Ads--

Ipinahayag ni Pangulong Donald Trump nitong Sabado na kukunin ng Estados Unidos ang kontrol sa napakalaking reserba ng langis ng Venezuela at hihikayatin ang mga kumpanyang Amerikano na mag-invest ng bilyon-bilyong dolyar upang muling ayusin ang bumagsak na industriya ng langis ng bansa.

Ayon sa U.S. Energy Information Administration (EIA), may 303 bilyong bariles ng krudo ang Venezuela — katumbas ng halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang reserba.


Ang Venezuela ang may pinakamalaking oil reserve sa mundo, ngunit ang produksyon nito ay bumagsak sa 1 milyong bariles kada araw (0.8% ng global output).

Bago ang pamumuno ni Nicolás Maduro noong 2013, umaabot sa 3.5 milyong bariles kada araw ang produksyon.

--Ads--

Ayon sa PDVSA, hindi na-upgrade ang mga pipeline sa loob ng 50 taon, at tinatayang aabot sa $58 bilyon ang gastos para maibalik sa peak level ang produksyon.

Ang kakulangan sa pamumuhunan, maintenance, at epekto ng international sanctions ang nagpalala sa pagbagsak ng industriya.


Ang langis ng Venezuela ay heavy, sour crude na mas mahirap iproseso ngunit mahalaga sa paggawa ng diesel, asphalt, at fuel para sa mabibigat na makina.

Karamihan sa mga refinery ng U.S. ay dinisenyo para sa ganitong uri ng langis, kaya mas episyente ang operasyon kapag Venezuelan crude ang ginagamit.

Ayon kay Phil Flynn ng Price Futures Group, ang pagbabalik ng U.S. companies sa Venezuela ay maaaring maging “game-changer” para sa pandaigdigang merkado ng langis.


Kung magtatagumpay ang U.S. sa muling pagbuhay ng industriya ng langis ng Venezuela, maaaring maging malaking supplier muli ang bansa at magbigay ng bagong oportunidad sa mga kumpanyang Kanluranin. Gayunpaman, ayon sa mga eksperto, maaari pang abutin ng 5 hanggang 10 taon bago tuluyang maibalik ang produksyon sa dating antas.