Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga kapulisan upang matukoy ang nasa likod ng nasabat na smuggled na sigarilyo sa Lungsod ng Cauayan.
Matatandaan na nitong Miyerkules, Marso 25 ay nasamsam ng mga awtoridad ang ₱465,000 na halaga ang illegal na sigarilyo na ipinadala sa Lungsod ng Cauayan sa pamamagitan ng isang Cargo bus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na sa pamamagitan ng isang confidential informant ay natukoy na mayroong mga hindi dokumentadong sigarilyo ang ipupuslit sa Lungsod sa pamamagitan ng cargo bus shipment.
Dahil dito ay agad na nagmanman ang mga kapulisan sa mga bus terminals sa Cauayan City at nakumpirma ang impormasyon matapos mapansin ng mga awtoridad ang kahina-hinalang kahon sa isang terminal sa San Fermin.
Batay sa kanilang imbentaryo, aabot sa ₱465,000 ang halaga ng mga nasamsam na sigarilyo.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng backtracking ang mga kapulisan upang matukoy ang sender at receiver ng naturang kargamento.
Ayon kay PLt. Col. Canceran, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang hanay sa mga bus stations upang mas mapaigting ang kanilang monitoring at mapigilan ang paglaganap ng mga smuggled na produkto.
Aniya, malaking kawalan sa kita ng gobyerno ang ganitong kalakalan at malinaw na paglabag sa section 145 at section 263 ng National Internal Revenue Code of 1997.










