CAUAYAN CITY – Patuloy ang validation ng DSWD Region 2 sa mga bahay na totally at partially damaged ng bagyong Ulysses na nakatakdang mabigyan ng emergency shelter assistance o ESA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Vanessa Diana Nolasco ng Disaster Response Management Division ng DSWD Region 2, sinabi niya na may anim na teams silang idineploy sa ibat ibang munisipalidad sa Rehiyon na apektado ng bagyo.
Kabilang dito ang Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at Cagayan.
Ayon sa talaan, natapos na ang validation ng tanggapan sa Aritao, Bambang, Bayombong, Alfonso CastaƱeda, Ambaguio, Santa Fe at Kayapa sa Nueva Vizcaya.
Natapos na rin sa Isabela ang Cauayan City, City of Ilagan, San Mariano, Santa Maria at Santo Tomas habang katatapos lamang sa Nagtipunan, Quirino.
Natapos na rin ang validation sa Enrile at Amulong Cagayan kahapon.
Umaabot sa isang libo anim na raang totally at partially damaged na kabahayan ang kailangang ivalidate ng DSWD Region 2 batay sa report noong nakaraang taon.
Iginiit naman ng tanggapan na hindi umano ito ang eksaktong bilang na mabavalidate dahil sa mga double entries o mga nadoble ang pangalan sa listahan pati na ang mga naidagdag dahil hindi sila naisama noong unang validation.
Sampung libong piso ang matatanggap ng mga totally damaged na bahay at limang libong piso naman ang mga partially damaged.
Ayon kay Information Officer Nolasco, tumatanggap pa rin sila ng mga grievances dahil nasa baba na ang teams ng DSWD kaya maaari nang direktang makipag ugnayan sa kanila para sa kanilang mga hinaing.
Isa pa rin sa nagiging problema sa validation ng DSWD ang mga reklamong pamimili ng mga maisasama sa listahan.
Upang maayos ito ay mismong DSWD na ang bumababa para magvalidate at mag-interview sa mga nakasama sa listahan.