
CAUAYAN CITY – Bumuo ng Validatiion Team si Mayor Bernard Dy na magsasagawa ng beripikasyon sa maraming reklamo laban sa mga tumanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Mayor Bernard Dy na maraming natanggap na reklamo at may mga nagbalik ng natanggap na asawa ng opisyal ng pamahalaan at opisyal ng barangay.
Naglabas siya ng Executive Order para ma-blacklist o hindi na puwedeng tumanggap ng anumang ayuda mula sa pamahalaan ang mga mapapatunayang hindi kuwalipikadong tumanggap ng cash assistance mula sa SAP.
Nagbibigay ng ayuda ang pamahalaan kapag may kalamidad na tumatama sa Isabela tulad ng bagyo.
Ayon kay Mayor Dy, puwedeng kasuhan ng falsification of document ang mga nanghuwad ng dokumento para makatanggap ng nasabing ayuda.
Ang Validation Team ay binubuo ng mga opisyal ng pamahalaang lunsod katuwang ang ilang guro sa mga barangay dahil kilala nila ang mga mamamayan sa kanilang lugar.
Ang Validation Team ay magtutungo sa mga barangay na may reklamo sa hindi patas na pagpili ng mga tumanggap ng cash assistance mula sa Social Amelioration Program.
Ang kanilang pag-validate ay nagsimula sa araw na ito.
Mayroon silang limang araw na isagawa ang validation sa reklamo bawat region at gumawa ng report.
Ayon kay Mayor Dy, may hotline ang City Government na puwedeng pagsumbungan ang mga may reklamo.
Sabihin nila ang pangalan ng inirereklamo at dapat may patunay sila na hindi karapat-dapat ang inirereklamo na tumangap ng ayuda mula sa SAP.
Ayon kay Mayor Dy, ang mga may reklamo ay dapat na maiparating ang kanilang sumbong sa loob limang araw matapos na maibigay ang cash assistance sa kanilang barangay.




