Nilinaw ng Isabela Police Provincial Office na walang katotohanan ang post na nagsasabing may van na nagunguha ng bata sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Lee Allen Bauding, Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, sinabi niya na base sa kanilang imbestigasyon, walang katotohanan ang nasabing mga post sa social media.
Aniya dahil sa mga kumakalat na post ay natatakot na ang ilan at ito ang naging dahilan ng isang napaulat na batang dinukot sa bahagi ng lungsod ng Ilagan.
Sa kanilang pagberipika sa impormasyon ay hindi naman umano totoong may dumukot kundi natakot lang ito sa dumaang van kaya ito kumaripas ng takbo palayo.
May kapareho rin aniyang post sa bahagi ng Cagayan na napatunayan din ng Cagayan Police Provincial Office na wala ring katotohanan.
Bagamat fake news lamang ito ay tiniyak naman ni PCol. Bauding na hindi nagpapabaya ang PNP Isabela dahil araw-araw na may mga isinasagawang checkpoint ang bawat himpilan sa mga bayan sa lalawigan.
Muli naman siyang nanawagan sa publiko na kung mayroon mang makitang kahina-hinala sa kanilang lugar ay agad na ipabatid sa pulisya at agad nila itong aaksyunan.
Pinaalalahanan din niya ang mga nagpapakalat ng fake news na iwasan ang ganitong gawain dahil nagdudulot lamang ng takot sa mga tao.
Aniya huwag agad magtitiwala sa mga nakikita sa social media at mas mabuting iberipika muna ang isang post bago ito I-share dahil maraming maaapektuhan pangunahin na ang mga batang matatakot nang pumasok sa eskwelahan dahil sa mga ipinapakalat na impormasyon.