Nasugatan ang tatlong katao matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyang van sa bahagi ng Sitio Pawak, Brgy. Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon sa 4th Maneuver Platoon, 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, isang concerned citizen ang tumawag sa kanila kaugnay sa pangyayari na agad naman nilang tinugunan.
Kabilang sa mga nasugatan ang 60-anyos na driver ng Delica Van na residente ng Brgy. Dulli, Ambaguio, Nueva Vizcaya at dalawang sakay na isang binatilyo at isang batang lalaki.
Batay sa pahayag ng driver na nawalan ng preno ang van partikular sa papakurbang bahagi ng kalsada at hindi na rin umano gumalaw ang manibela nito dahilan para dumiretso ito at nahulog sa bangin bago bumaligtad ang sasakyan.
Kargado ng pipino, sayote at iba pang gulay ang sasakyan na dadalhin sana sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal o NVAT sa bayan ng Bambang.
Mapalad na minor injury lamang ang tinamo ng mga sakay ng van na agad ding nalapatan ng lunas.











