--Ads--

Tinupok ng apoy ang isang van sa Sitio Lower Ammoweg, Ambaguio, Nueva Vizcaya noong gabi ng Abril 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Angelo Ngitngit Jr., fire arson investigator ng Ambaguio Fire Station, sinabi nitong natanggap nila ang tawag ukol sa insidente dakong alas-11:09 ng gabi.

Ayon sa kanya, agad silang rumesponde ngunit hindi nakapasok ang fire truck sa lugar dahil sa makitid na daan kaya’t gumamit na lamang sila ng motorsiklo at nagdala ng fire extinguisher.

Pagdating sa pinangyarihan, nauna nang naapula ng mga residente ang apoy ngunit lubhang napinsala ang sasakyang sangkot na isang Mitsubishi Delica van.

--Ads--

Nilinaw ng opisyal na hindi abandoned ang sasakyan dahil ito ay pagmamay-ari ni Marvin Miguel, magsasaka at residente ng nasabing barangay, na doon lamang ipinaparada sa bakanteng lote dahil hindi ito makapasok sa kanilang bahay.

Tinatayang umabot sa ₱270,000 ang halaga ng pinsala sa nasabing sasakyan.

Sa isinagawang paunang imbestigasyon, lumalabas na nagsimula ang apoy sa bahagi ng driver’s side ng sasakyan batay sa pahayag ng mga testigo at mga residenteng tumulong sa pag-apula ng sunog.

Mayroon ding isa pang sasakyan na nakaparada malapit sa van, subalit agad itong nailayo ng mga residente kaya’t hindi nadamay sa insidente.

Ayon pa sa BFP, nasa humigit-kumulang 20 metro ang layo ng sasakyan sa pinakamalapit na bahay at wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente.

Batay sa tala ng Bureau of Fire Protection sa Ambaguio, ito ang kauna-unahang vehicular fire incident na naitala sa kanilang nasasakupan ngayong taon, kung saan isa pa lamang na grass fire ang naunang naitala nitong 2026.

Samantala, muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko na maging maingat lalo na ngayong panahon ng tag-init at agad na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan sakaling may mapansing sunog upang maiwasan ang mas malalang pinsala.