CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Jones Police Station sa pagsunog ng mga armadong lalaki sa Vote Counting Machine at election paraphernalia na dadalhin sana kaninang alas sais ng umaga sa Municipal Hall ng Jones.
Hinarang ng mga hindi pa nakilalang suspoek ang sasakyan ng mga miyembro ng Electoral Board na dala ang mga election paraphernalia na kinabibilangan ng 200 ballots na di pa nabasa mula sa barangay Dicamay 1 at Dicamay 2, Jones, Isabela.
Nangyari ang pagharang ng mga hindi pa nakilalang armadong lalaki sa Sta. Isabel, Jones, Isabela kaninang 6:20am.
Natanggap ng Jones Police Station ang tawag ni BEI Arlyn Borromeo Santos hinggil sa pagharang ng mga suspek sa kanila habang patungo sa Municipal Hall ng Jones.
Ang sinakyan umanong dumptruck ng mga suspek ay iniharang sa daan sa Sta. Isabel, Jones, Isabela.
Samantala, tumanggi muna si Provincial Election Supervisor Michael Camangeg na magbigay ng pahayag sa nangyaring pagsunog sa VCM at 200 unread ballot sa bayan ng Jones na idineklarang election hotspot red category.