Dumalo si Vice Ganda sa Philippines–Japan Film Festival 2026 sa Tokyo, Japan kung saan kabilang sa mga tampok na pelikula ang And The Breadwinner Is… at Call Me Mother. Ang Call Me Mother ang nagsilbing opening film ng naturang festival.
Kasama ni Vice ang asawang si Ion Perez sa biyahe, na pinagsamang trabaho at bakasyon. Ibinahagi niya sa social media ang kanilang mga larawan habang namamasyal sa Japan, at kapansin-pansin ang kanilang masayang samahan.
Bukod sa pagdalo sa film festival, binisita rin ni Vice si Punch, ang viral monkey na matatagpuan sa Ichikawa. Nakipagsiksikan pa siya sa mga turista upang makita at makuhanan ng larawan ang naturang hayop.
Ikinatuwa ng komedyante na dalawang pelikula niya ang napili sa unang edisyon ng film festival. Ayon sa kanya, malaking oportunidad ito upang maipakilala ang kulturang Pilipino at mga kwentong Pinoy sa mas malawak na pandaigdigang manonood.
Ang dalawang pelikula ay idinirehe ni Jun Robles Lana at naging bahagi ng Metro Manila Film Festival. Inilunsad ang Philippines–Japan Film Festival bilang bahagi ng pagdiriwang ng 2026 Philippines–Japan Friendship Year na layong palakasin ang ugnayang pangkultura ng Pilipinas at Japan.











