Maagang nagtungo sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Command Center si Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy upang personal na alamin ang sitwasyon at monitoring ng lalawigan ng Isabela matapos ang pananalasa ng Bagyong ‘Uwan’, kagabi, Oktubre 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bise Gobernador “Kiko” Dy, aniya batay sa ulat na natanggap niya mula sa PDRRMC-Isabela, walang naitalang casualty sa buong lalawigan sa kabila ng matinding hagupit ng bagyo.
Ayon sa monitoring ng PDRRMO, ilan sa mga naitalang epekto ng bagyo ay ang pagbaha sa ilang barangay, pagkakatumba ng mga poste ng kuryente, at power interruption sa ilang bayan. Mayroon ding mga natumbang puno at naputol na sanga ng mga punong kahoy na pansamantalang bumara sa ilang kalsada.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Provincial Engineering Office upang magsagawa ng clearing operations sa mga apektadong lugar. Kabilang din sa mga naitala ng PDRRMO ang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog, lalo na matapos na muling magpakawala ng tubig ang Magat Dam bilang bahagi ng flood management operations.
Giit ni Vice Gov. Dy, sapat ang suplay ng family food packs na naipamamahagi sa mga evacuees sa buong lalawigan. Hinikayat din niya ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na tiyakin ang maayos na distribusyon ng tulong sa mga evacuation sites, lalo na sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng bagyo.
Dagdag pa ng bise gobernador, patuloy ang pagtanggap ng Command Center ng mga ulat at impormasyon mula sa iba’t ibang bayan. Nakatakda rin umano silang magsagawa ng assessment meeting upang matukoy ang mga susunod na hakbang sa pagtugon at pagbangon mula sa epekto ng Bagyong “Uwan.”
Home Local News
Vice Gov. Kiko Dy, personal na ininspeksyon ang sitwasyon sa Isabela matapos ang Bagyong ‘Uwan’
--Ads--











