Dumepensa si dating Senador Cynthia Villar matapos maging viral ang video ng kanyang pakikipagtalo sa mga security at traffic marshal sa BF Resort Village, Las Piñas City.
Lumabas ang video, na nagpapakita ng pagtutol ni Villar sa mga marshal na nagpapatupad ng rush hour dry run ng bagong traffic management scheme sa kanyang lugar.
Sa dry run, naglagay ng mga bollard sa kalsada na pag-aari umano ni Villar. Ayon sa pahayag, walang paunang abiso o konsultasyon bago ito ipinatupad, at walang opisyal na dokumento mula sa lehitimong Homeowners’ Association (HOA) na sumusuporta sa pagkakabit ng signage at bollard.
Inihayag ni Villar na ang viral video ay “malicious” at na-edit upang palakihin ang sitwasyon, sa halip na magkaroon ng maayos na usapan. Ayon sa kanya, may ilang pumasok sa kanyang pag-aari, nag-provoke, at ikinalat ang mga edited clips sa social media.
Nag-ugat ang pagtatalo noong 2022 nang magreklamo ang ilang residente at ang HOA president tungkol sa dalawang proyekto ng tulay sa Cavite na konektado sa subdivision na pag-aari ng Villar clan.











