CAUAYAN CITY – Ipapasakamay ng mga kasapi ng Santa Maria Police Station sa Explosive and Ordnance Division ang isang malaking vintage bomb na natagpuan sa bukid na tinataniman ng mga tubo sa Calamagui West, Sta. Maria, Isabela.
Ang nakatagpo sa World War II vintage bomb ay si Jose Cabrejos, 32 anyos, tractor operator at residente ng Gangalan, San Mariano, Isabela.
Matagal na umanong tinataniman ng mga tubo ang tumana ngunit ngayon lamang narekober ang nasabing bomba.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCpt Rogelio Natividad, hepe ng Sta Maria Police Station na natagpuan ni Cabrejos ang bomba sa kalagitnaan ng kanyang pag-aararo sa tubuhan malapit sa Rancho Agripino at agad na dinala sa isang compound ng isang bahay sa Poblacion 1, Sta. Maria, isabela.
Sa pagtungo ng mga kasapi ng Sta Maria Police Station sa nasabing lugar ay dinala nila sa ligtas na lugar ang natagpuang bomba.












