--Ads--

Isang kakaibang obra ang bumida kamakailan sa larangan ng musika at sining matapos ipakita ng Japanese glass manufacturer na HARIO ang kauna-unahang playable glass violin sa buong mundo at certified ito ng Guinness World Records.

Ang violin ay hindi pang-display lamang, bagamat gawa sa babasaging materyal, tunay itong violin at puwedeng patugtugin ng totohanan!

Matapos ang mahigit 60 taon na pagsasanay sa glass-blowing, sinubukan ng HARIO na gumawa ng isang bagay na hindi lang magpapakita ng kanilang husay sa craftsmanship, kundi makapagpapahanga rin sa bagong henerasyon.

Hindi naging madali ang proyekto, bukod sa delikado, kumplikado rin ang hugis ng violin.

--Ads--

Kinailangan nilang tiya­king pantay ang pagkakakapal ng salamin para manatiling playable ito. Sa bigat na humigit-kumulang 1,300 grams, mas mabigat ito ng halos 600 grams kumpara sa karaniwang violin pero hindi hadlang iyon sa kalidad ng tunog nito.

Ayon sa ulat ng Sankei Shimbun, ang tunog ng glass violin ay tila pinaghalo ng tradisyunal na koky (isang Japanese string instrument) at ng violin kung saan mas malinaw at mas tumatagos habang tumataas ang tono.

Bilang pagkilala sa tagumpay ng kanilang likha, ginawaran ng Guinness World Records ng ­opisyal na sertipikasyon ang HARIO. Isang patunay na ang sining at siyensya ng glass-making ay kayang makipagsabayan sa makabagong musika.

Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng 5.5-million-yen (P1.3 million) ang glass violin ng HARIO.