Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) nitong Biyernes, Marso 13, ang pagbibigay ng visa relief para sa mga dayuhang naapektuhan ng kanselasyon ng mga flight dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, naglabas siya ng department order na nagpapahintulot sa mga dayuhang nag-expired ang visa noong Pebrero 28 na manatiling legal sa Pilipinas hanggang Abril 1, 2026.
Dagdag pa niya, hindi na sisingilin ng karagdagang bayarin, multa o parusa ang mga dayuhang sakop ng nasabing visa extension.
“This is the Philippine government’s simple way of extending relief not only to those directly affected by the ongoing hostilities in the Middle East, but also a compassionate gesture of support to stand in solidarity with the whole world during this difficult time of socio-economic and political upheavals,” pahayag ni Vida.
Samantala, nagdulot din ng matinding epekto sa pandaigdigang ekonomiya ang digmaan sa pagitan ng Israel at Iran, lalo na nang matapos harangin ng Tehran ang Strait of Hormuz bilang tugon sa pag-atake ng Tel Aviv.
Bagama’t tiniyak ng pamahalaan na walang direktang banta sa Pilipinas, nararamdaman na ng bansa ang epekto ng kaguluhan sa rehiyon, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis na umabot sa rekord na antas.
Ayon sa mga analyst, may posibilidad na tumagal pa ang naturang digmaan.




