--Ads--

Target ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na masimulan sa susunod na taon ang pagtatayo ng pagawaan ng vitamin-fortified rice bilang bahagi ng pinalawak na programa para sa nutrisyon at food assistance sa mga Isabeleño.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Kiko Dy, ipinahayag niyang kabilang sa mga tinitingnang malaking proyekto ng lalawigan ang pagtatayo ng pasilidad na magsisilbing pagawaan ng bigas na may halong vitamins at glutathione.

Sinabi niyang layunin ng proyekto na mas mapaganda ang kalidad ng bigas na ipamamahagi sa mga benepisyaryo at mabigyan ang mga ito ng dagdag na nutrisyon.

Ipinunto rin ng bise gobernador na kabilang sa plano ang pagpapalawak ng bilang ng makatatanggap ng nasabing fortified rice dahil nais umano ng pamahalaang panlalawigan na mas maraming residente ang makinabang.

--Ads--

Aniya, binibigyang-diin ng administrasyon na may sapat na pondo ang lalawigan at pangunahing layunin nito na ibalik sa mga mamamayan ang benepisyo ng malakas na kaban ng probinsya, lalo na sa mga higit na nangangailangan.

Kasabay nito, binigyang-diin din ng bise gobernador na patuloy ang kanilang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa Isabela upang personal na makita ang kalagayan ng mga mamamayan.

Sinabi niya na isa sa nais nilang iparating ay ang kahandaan ng pamahalaang panlalawigan na tumulong sa abot ng kanilang makakaya, partikular sa mga nangangailangan ng tulong medikal, gamot, at iba pang pangunahing suporta.

Dagdag pa ng opisyal, nananatiling prayoridad ng provincial government na tiyaking nararamdaman ng mga residente ang direktang serbisyo mula sa administrasyon nina Governor Rodito Albano at ng Sangguniang Panlalawigan.