Usap usapan ang isang vlogger sa Guangdong matapos niyang ibahagi ang proseso ng pag-extract niya ng 191.73 grams na ginto mula sa mga lumang SIM cards at iba pang electronic waste.
Gamit ang complex chemical processes tulad ng strong acid dissolution at electrolytic reduction, nagawa niyang “tunawin” ang mga scrap upang makuha ang ginto na nagkakahalaga ng mahigit 120,000 yuan (o tinatayang P950,000). Tinawag ang proseso na “SIM alchemy”. Dahil dito, maraming netizens ang nagnais na subukan ang proseso para yumaman.
Gayunpaman, nilinaw ng mga eksperto na “too good to be true” ang video kung iisipin na galing lang ito sa ordinaryong SIM cards. Ang totoong gold content ng isang SIM card ay napakababa (0.47 mg), kaya kakailanganin ng halos 400,000 piraso para makuha ang dami ng gintong ipinakita.
Inamin din kinalaunan ng vlogger na gumamit siya ng mga gold-plated computer chips mula sa mga electronic components tulad ng nasa loob ng computer, cell phone, o servers na binabalutan ng manipis na layer ng ginto.
Nagbabala naman ang mga awtoridad na huwag itong gayahin sa bahay dahil gumagamit ito ng mga kemikal na nakalalason at delikado sa kalusugan at kalikasan.





