Kinumpirma ni House Committee on Ethics and Privileges chair at 4Ps Rep. JC Abalos na kabilang sa mga reklamong inihain laban kay Cavite Rep. Francis “Kiko” Barzaga ang kanyang vlogging activities sa loob ng plenaryo.
Ayon kay Abalos, may mga isyung inihain kaugnay sa asal ng tinaguriang “Cong-meow,” partikular ang paggamit nito ng social media at pagba-vlog habang may sesyon.
Nilinaw naman niya na hindi awtomatikong ipinagbabawal ang social media activity sa loob ng Kamara.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Abalos na may mga pamantayan at alituntuning etikal na dapat sundin ng mga mambabatas.
Tiniyak din ni Abalos na sinusunod ng komite ang due process sa paghawak ng mga reklamo, at binibigyan ng pagkakataon ang mga mambabatas na makapagsagot sa mga akusasyon.
Ipinaalala niyang ang ethics committee ay recommendatory body lamang, at ang plenaryo ng Kamara pa rin ang may huling kapangyarihan sa pagpataw ng disciplinary sanctions.





