Pinaigting ng Commission on Elections o COMELEC ng Santiago City ang kanilang voter registration drive sa pamamagitan ng pag-iikot sa mga barangay at eskwelahan upang hikayatin ang mas maraming residente, lalo na ang kabataan, na magparehistro bilang botante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer IV Atty. Jenny May Gutierrez, kasalukuyang abala ang kanilang tanggapan sa ongoing registration at aktibong nakikipag-ugnayan sa mga paaralan at barangay sa lungsod upang maabot ang mga hindi pa rehistradong botante, gayundin ang mga nais magpa-correct o magpa-transfer ng kanilang voter records.
Batay sa datos ng opisina, matapos ang Election Registration Board hearing noong January 19, may kabuuang 113,781 rehistradong botante ang lungsod ng Santiago. Nadagdagan pa ito ng 2,025 registrants mula January 5 hanggang sa kasalukuyan, na sasailalim pa sa beripikasyon at pag-apruba ng Election Registration Board.
Wala umanong itinakdang target number ang COMELEC Santiago City, ngunit tiniyak ni Gutierrez na masinsinan ang isinasagawang registration drive, na kinabibilangan ng satellite registration sa mga barangay at eskwelahan. Aniya, hindi umaabot sa zero ang arawang transaksyon ng kanilang tanggapan, at karaniwang umaabot sa hindi bababa sa limampung katao kada araw ang nagpaparehistro.
samanatala, Ilan sa mga nakatakdang satellite registration ngayong Pebrero ay gaganapin sa iba’t ibang lugar sa lalawigan. Sa February 7, isasagawa ito sa Barangay Malvar mula alas-nuebe ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Susundan ito sa ISU Rizal, sa kanilang Audio-Visual Room, sa February 12.
Sa Pebrero 13, ang satellite registration ay gaganapin sa Sagana National High School, at sa February 14 naman ay sa Barangay Hall ng Barangay Calao West. Sa february 20, ito ay isasagawa sa University of La Salette- College Department.
Magkakaroon din ng satellite registration sa Barangay San Andres sa February 21, sa Barangay Mabini sa February 27, at sa Barangay Calaocan sa February 28, na pawang gaganapin sa kani-kanilang barangay hall.
Ang mga aktibidad na ito ay nakatuon sa mga kabataang magrerehistro para sa Sangguniang Kabataan (SK) at sa mga botanteng lalahok sa nalalapit na pambansang halalan.
Napansin din umano ng COMELEC ang mas mataas na partisipasyon ng kabataan sa kasalukuyang registration period, na indikasyon ng mas mataas na kamalayan ng mga botante sa kahalagahan ng pagpaparehistro at pagboto.
Muling nanawagan ang COMELEC Santiago City sa publiko na samantalahin ang registration period na tatagal hanggang May 18 at huwag hintayin ang huling araw upang makaiwas sa mahabang pila. Pinayuhan din ang mga magpaparehistro na magdala ng valid ID o mag-print ng voter registration form na makukuha online upang mapabilis ang proseso.
--Ads--










