Hindi dadalo si Vice President Sara Duterte sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayon araw sa House of Representatives sa Quezon City.
Mas pinili ni Duterte na dumalo kahapon sa “Free Duterte Rally” sa South Korea kasama ang mga taga-suporta ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati sinabi ni Duterte na hindi rin siya manonood o makikinig sa SONA ng Pangulo dahil sayang lamang ang kanyang ‘data’.
Inamin din niya na minsan ay gusto niyang basagin ang screen ng kanyang cellphone dahil “lampas na sa irita” ang naririnig niya.
Nauna nang sinabi ni Duterte na walang batas na nagsasabi ng tungkulin ng mga Pilipino ang makinig sa Presidente.
Babasahin na lamang niya ang transcript ng SONA para malaman kung ano ang mga “pambobola” na sinabi ni Pangulong Marcos.
Sa Kuwait ang susunod niyang biyahe kung saan makikipag-usap siya sa mga taga-suporta ng ama.
Ngayong araw inaasahang uuwi ng bansa si VP Sara, araw ng SONA ni Pangulong Marcos.











