--Ads--

Nagpasya si Vice President Sara Duterte na hindi dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban sa kanya ngayong Miyerkules, Marso 25.

Kinumpirma ito ng kanyang abogado na si Atty. Michael Poa, na nagsabing sapat na ang nakasumite nang sagot ng kampo ng Bise Presidente sa mga alegasyon.

Ito ang kauna-unahang pagdinig ng impeachment complaints na napatunayang sufficient in form, substance, at grounds ng komite.

Noong Marso 4, idineklarang may sapat na substance ang reklamo, at noong Marso 16 ay nagsumite ng opisyal na sagot ang kampo ni Duterte. Sa kanilang sagot, iginiit ng Bise Presidente na ang mga alegasyon ay hindi maituturing na impeachable offenses, kaya’t dapat ibasura ang reklamo.

--Ads--

Sa unang pagdinig, inaasahan sanang tatalakayin ng komite ang mga isyung nakapaloob sa reklamo, kabilang ang umano’y paglabag sa ilang probisyon ng Konstitusyon at pag-abuso sa kapangyarihan.

Ayon sa mga miyembro ng House Committee on Justice, magpapatuloy ang proseso ng impeachment alinsunod sa itinakdang rules of procedure ng Kamara. Ang susunod na hakbang ay ang pagtanggap ng ebidensya at testimonya mula sa mga complainants, habang bibigyan pa rin ng pagkakataon ang kampo ng Bise Presidente na maghain ng karagdagang depensa kung nanaisin.