Hindi pa umano pinagpaplanuhan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kandidatura para sa 2028 presidential elections, kahit inanunsyo na niya ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo ng Pilipinas.
“Sa ngayon, hindi ko muna iniisip. Although nag-declare na ako ng aking kandidatura. I am a presumptive candidate for the 2028 presidential elections. Pero hindi ko pa ‘yun pinagpaplanuhan sa ngayon,” ani Duterte sa isang panayam sa media habang nasa Davao City nitong Sabado.
Tulad ng mga kinahaharap na impeachment complaints laban sa kanya, hindi rin umano ito ang prayoridad ni Duterte sa kasalukuyan.
“Dahil napakarami sa ating mga kababayan ang nananawagan pa rin ng totoong pagmamahal at serbisyo galing sa ating pamahalaan,” dagdag niya.
“Sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, ‘yun ang prayoridad namin ngayon. Kahit maliit ‘yung opisina namin, lahat kami nagtutulong-tulong na nag-iisip paano makatulong sa taong bayan,” aniya pa.











