Mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang anumang personal na ugnayan nito kay Ramil Madriaga, na una nang nagpakilala bilang bagman nito.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Lunes, iginiit ni Duterte na wala silang naging komunikasyon at hindi niya kailanman binisita si Madriaga sa kulungan.
Ito ay taliwas sa pahayag ni Atty. Raymond Palad, Abogado ng Madriaga na ilang beses umanong dinalaw ni VP Sara ang nakakulong na si Madriaga sa Camp Bagong Diwa.
Binigyang-diin ng Bise Presidente na walang naipakitang dokumento o anumang ebidensya si Madriaga upang suportahan ang kanyang mga akusasyon.
“Mr. Madriaga has offered no proof — no documents, no corroboration — only accusations. Bare allegations, no matter how loudly repeated, amount to nothing more than noise,” ani Duterte.
Si Madriaga ay nagsumite ng affidavit sa Ombudsman na naglalaman ng akusasyon hinggil sa umano’y anomalya sa paggamit ng pondo.
Dahil dito, nanawagan ang ilang sektor na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang mabigyang linaw ang isyu.
Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ng Bise Presidente na walang katotohanan ang mga paratang at patuloy siyang maglilingkod sa bayan na nagluklok sa kaniya sa pwesto.







