Posible pa rin umanong maisama ang pangalan ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity, ayon kay Atty. Kristina Conti, Secretary General ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).
Ipinaliwanag ni Conti na bagama’t hindi pa kinikilala bilang co-perpetrator ang bise presidente, hindi ito nangangahulugang hindi na siya maaaring masama sa imbestigasyon.
Patuloy aniyang tinututukan ng ICC ang mga umano’y extrajudicial killings (EJK) sa Davao City, pati na ang sinasabing paglawak ng mga insidenteng ito sa buong bansa.
Aniya, inaasahang mabubuksan din ang mga usapin tungkol sa sinasabing partisipasyon ni Duterte sa mga isyu ng “EJK” at “DDS killings,” lalo na matapos ang maaga nitong paghayag ng intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.





