--Ads--

Malaking tulong sa mga mamamayan ang Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD kung saan nagbibigay ang kagawaran ng food credit assistance sa mga mahihirap na benepisaryo.

Ayon sa mga mamamayang nakapanayam ng Bombo Radyo Cauayan, bagamat hindi lahat ay nabibigyan nito, malaking tulong pa rin naman lalo na sa mga kabilang sa poorest of the poor families hindi napabilang sa ibang programa ng DSWD gaya ng 4Ps.

Layon ng “Walang Gutom” program na mabawasan ang involuntary hunger sa mga pamilyang kabilang sa low-income sector sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng food credit assistance.

Sa ilalim ng programa, tatanggap ang mga benepisyaryo ng P3,000 kada buwan gamit ang Electronic Benefit Transfer (EBT) card, na maaari nilang gamitin sa pagbili ng piling mga produktong pagkain mula sa mga partner merchant stores na kwalipikado sa programa.

--Ads--

Isinusulong ng programang ito ang mas sistematikong paraan ng pagtulong sa mga mahihirap upang masigurong may sapat silang pagkain sa araw-araw, habang sinusuportahan rin ang mga lokal na tindahan at negosyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Anna Singayan, Barangay Nutrition Scholar o BNS ng Brgy. San Andres, Cabatuan Isabela sinabi niya na malaking tulong ito sa mga mahihirap na wala talagang inaasahang pagkakakitaan.

Aniya ang mga kwalipikadong benepisyaryo nito ay ang mga indigent families na may myembrong Person with Disability o PWD.

Mas maigi aniyang goods at hindi na pera ang ibigay sa kanila dahil may ilang hindi sa pagkain ibinibili ang natatanggap na ayuda kundi sa ibang bagay na hindi naman kapaki-pakinabang.

May ilan ding ginagamit sa sugal gaya ng mga isyu sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na ginagawa ng mga benepisyaryo.