--Ads--

Hindi maglalabas ng hold departure order ang gobyerno laban sa mga sinasabing co-perpetrator sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro kaugnay ng posibilidad na tumakas palabas ng bansa ang mga kapwa-akusado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Castro, hindi sakop ng gobyerno ang kaso ng walong indibidwal sa ICC, kaya’t hindi sila bibigyan ng HDO.

Ipinaliwanag ni Castro na ang ICC ang may karapatang maglabas ng warrant of arrest, at hindi ito nasasakupan ng gobyerno.

--Ads--

Dagdag pa ni Castro, ang magiging hakbang ng gobyerno ay makipagtulungan sa Interpol at hindi na kailangan pang maglabas ng hold departure order dahil wala silang kasong kinahaharap sa Pilipinas.

Sa ngayon, wala pang warrant of arrest laban sa walong co-perpetrator, kabilang na sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Senador Bong Go, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, at apat pang iba.