--Ads--

Iginiit ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang naiprisintang patunay ang prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na may iba pang menor de edad na naging biktima ng war on drugs ng kanyang administrasyon, maliban sa 17-anyos na si Kian delos Santos.

Sa pagdinig para sa confirmation of charges, sinabi ni lead defense counsel na si Nicholas Kaufman na sa kabila ng pagbibigay-diin ng prosekusyon sa usapin ng mga namatay na menor de edad, wala umanong iniharap na ebidensiya na may kahit isang menor de edad na biktima sa 49 insidenteng tinukoy sa kaso, bukod kay Delos Santos.

Ginawa ni Kaufman ang pahayag habang inihaharap ng depensa ang kanilang pagsusumite ukol sa merito ng kaso sa huling araw ng confirmation of charges hearing laban kay Duterte.

Si Delos Santos, na noo’y 17 taong gulang, ay napatay noong Agosto 2017 matapos umanong manlaban sa isang anti-drug operation sa Caloocan City.

--Ads--

Makalipas ang isang taon, hinatulan ng isang korte sa Caloocan ang tatlong pulis na nagkasala ng murder kaugnay sa pagkamatay ng binatilyo. Gayunman, pinawalang-sala ng hukuman ang mga ito sa kasong pagtatanim ng ebidensiya at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, sinampahan ng ICC Office of the Prosecutor si Duterte ng tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga alegasyon ng pagpatay at tangkang pagpatay noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa naging pangulo ng Pilipinas.