CAUAYAN CITY- Tiniyak ni P/Chief Supt. Robert Quenery, Regional Director ng Police Regional Office number 2 ang kahandaan ng kanilang hanay sa pagbibigay ng seguridad ngayong Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Supt. Quenery na walang namomonitor na anumang banta ng terorismo at sa kalagayan ng kaayusan at katahimikan sa Lambak ng Cagayan.
Gayunman, nanatili umanong nakataas ang kanilang alerto upang hindi makapagsamantala ang masasamang elemento.
Sa katunayan aniya ay mahigit 2,000 pulis ang ipinakalat ngayon upang magbigay ng seguridad sa publiko partikular na sa ibat ibang sementeryo sa rehiyon dos.
May mga pulis din ang itinalaga sa mga vital installations tulad ng terminals, malls, at mga pangunahing lansangan.
Kaugnay nito, nanawagan din si P/Chief Supt. Quenery sa publiko na suportahan ang kanilang hanay.
Aniya, sumunod sa ipinapatupad na ordinansa at regulasyon ng mga pulis para sa maayos at matiwasay na paggunita ng Undas.




