REGION 2 – Anim na bayan sa Isabela, isang bayan sa Cagayan at isang bayan din sa Nueva Vizcaya ang naapektuhan na ng Rice Black Bug o RBB sa ikalawang Rehiyon, batay sa monitoring ng DA Region 2 hanggang kahapon.
Ang mga bayan sa Isabela na nagtala ng RBB ay ang Aurora, Cabatuan, Luna, San Mateo, Echague at Ramon.
Ngayong araw ay hinihintay din ng DA Region 2 ang ulat ng Roxas, Mallig, Quezon, Quirino at Gamu na nauna na nilang binabantayan.
Sa Cagayan ay ang bayan ng Enrile at bayan ng Diadi sa Nueva Vizcaya ang nagtala na rin ng RBB.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Senior Science Research Specialist Minda Flor Aquino ng DA Region 2 na ang flight pattern ng Rice Black Bug o RBB ay kapag maliwanag ang buwan kaya asahan na madagdagan ngayong araw ang maapektuhan.
Ayon kay Aquino kahapon sa isang barangay sa Aurora, Isabela ay nakapag-ipon sila ng dalawa at kalahating sako ng RBB.
Mayroon ding nagsasabi na nakikita rin nila ang RBB sa kanilang mga bahay maging sa poste ng mga ilaw.
Binigyang diin ni Aquino na ang maganda sa ngayon ay walang halos standing crop at ang dapat lamang na bantayan ay ang mga seedbed.
Kapag nasa seedbed pa lamang anya ay madaling malinis ang mga punla.
Ang dapat anyang gawin ng mga magsasaka habang sila ay nagpupunla ay tuloy tuloy ang paglilinis sa kanilang pagtataniman at alisin ang mga masusukal na damo sa paligid ng bukid upang walang pamahayan ang mga RBB.
Nakakabahala anya ang ilang naipapadalang impormason sa kanila ukol sa presensiya ng RBB na dapat lamang na sugpuin pangunahin na ang kanilang mga itlog.
Kahit kakaunti pa lamang ang nakikitang pesteng RBB ay bigyan na kaagad ng pansin at sugpuin dahil kung mapabayaan ay dadami ang mga ito.
Kapag sabay sabay naman ang gagawing pagsugpo sa RBB ay madali lamang itong mawala.
Nanawagan siya sa mga magsasaka na mag-monitor at iulat sa kanilang tanggapan ang sitwasyon ng RBB sa kanilang taniman.
Bukod naman sa RBB ay dapat ding imonitor at bantayan ng mga magsasaka ang iba pang peste tulad ng mga Brown Crop hopper; fall army worm, corn planthopper at iba pang funggal diseases sa palay at mais.