Nasabat ng hanay ng Public Order and Safety Division (POSD) ang walong motorsiklo na may modified mufflers sa kanilang patuloy na operasyon laban sa mga maiingay na tambutso.
Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, puspusan na ang isinasagawang panghuhuli sa mga motorsiklong nagdudulot ng labis na ingay, lalo na sa mga lansangan.
Paliwanag ni Mallillin, hindi lamang simpleng paghuli ang ginagawa ng kanilang hanay kundi agad ding kinukumpiska ang mga modified muffler. Matapos makumpiska, ang mga ito ay pinipitpit upang matiyak na hindi na muling magagamit at maiwasan ang patuloy na paglabag sa ordinansa.
Dagdag pa niya, pinapatawan ng kaukulang parusa ang mga lumalabag na nag-uumpisa sa halagang ₱2,000 para sa unang paglabag at maaaring umabot sa ₱5,000 sa ikatlong paglabag. Kung sakali namang mahuli ang isang rider na walang dalang lisensya, bukod sa multa ay agad ding ini-impound ang kanilang motorsiklo.
Malaki umano ang negatibong epekto ng maiingay na tambutso sa komunidad, partikular sa mga senior citizen na nagpapahinga at natutulog tuwing gabi. Kadalasan aniya ay sa gabi naglalabasan ang mga motorsiklong may modified muffler, dahilan upang maistorbo ang katahimikan ng mga residente.
Dahil dito, tiniyak ng POSD na ipagpapatuloy at paiigtingin pa ang kanilang mga operasyon upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa mga lansangan at komunidad. Patuloy rin ang panawagan ng kanilang hanay sa mga motorista na sumunod sa batas at iwasan ang paggamit ng ilegal at maiingay na tambutso.










