--Ads--

Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Quirino Police Provincial Office (PPO) ang Number 6 Most Wanted Person – Regional Level kaugnay ng kasong Qualified Rape of a Minor (3 counts) sa Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino.

Ang nasabing kaso ay may walang inirekomendang piyansa, batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 38 sa Maddela, Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. William Agpalza, ang hepe ng Maddela Police Station, sinabi niya na hindi nagpatinag ang mga operatiba sa kabila ng napakahirap na terrain patungo sa Sitio Kalbo na matatagpuan sa paanan ng bundok Sierra Madre.

Aniya, ang menor de edad na biktima ay kamag-anak ng suspek.

--Ads--

Lumalabas din sa rekord ng PNP na kasalukuyang may nakabinbin ding kaso si alyas Ruru mula naman sa Aglipay Police Station na may kaparehong kaso.

Samantala, maliban sa Number 6 Most Wanted Person ay nasakote rin ng Maddela Police Station ang isang drug personality sa Barangay Dimabato Norte, Maddela, Quirino.

Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek na si alyas Bitoy ang labindalawang (12) piraso ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang isang (1) gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱12,240.

Ang pagkakadakip kay alyas Bitoy ay bunga ng pinaigting na pagtutulungan ng pulisya, komunidad, at BADAC sa hangaring hindi na makapasok sa Maddela ang anumang uri ng iligal na droga.

Sa ngayon, sinisilip na ng Maddela Police Station kung ang suspek ay sangkot din sa kalakalan ng iligal na droga sa iba pang lugar.

Sa kasalukuyan, may sampung (10) drug personalities na ang nadakip ng Maddela Police Station, at ito ang pinakamalaking bilang ng droga na kanilang narekober.