Naglabas na ng arrest warrant at hold departure order ang Sandiganbayan laban kina dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim na iba pang kawani ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.
Ito ay kaugnay ng kasong malversation of public funds na isinampa laban sa kanila kaugnay ng umano’y “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Kasama rin sa inisyuhan ng arrest warrant sina Brice Hernandez, Arjay Domasig, Jaypee Mendoza, Emelita Juat, Juanito Mendoza at Christina Pineda, na pawang mga opisyal ng DPWH Bulacan.
Ito ay nag-ugat sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na napag-alamang “ghost project” o hindi naipatupad.
Batay sa imbestigasyon, pinaniniwalaang nagkunsabahan ang dating senador at ang mga nabanggit na opisyal upang mapalabas ang P76 milyon na pondo ng gobyerno para sa proyekto kahit na hindi ito naisakatuparan.











