--Ads--

Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na umano’y naglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court o ICC laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng administrasyong Duterte.

Sa isang panayam sinabi ni Remulla na mayroon siyang matibay na batayan upang ibahagi ang impormasyon dahil aniya ay may kinalaman ito sa interes ng publiko.

Si Dela Rosa ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police o PNP sa ilalim ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte at siya rin ang nanguna sa pagpapatupad ng madugong kampanya kontra ilegal na droga ng gobyerno.

Ang naturang pahayag ay lumabas habang si dating Pangulong Duterte ay nakakulong pa rin sa ICC Detention Center sa The Hague mula pa noong Marso 13, 2025  habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya.

--Ads--

Inakusahan ng mga prosecutor ng ICC si Duterte ng tatlong bilang ng crimes against humanity, kabilang ang umano’y pagkakasangkot sa hindi bababa sa 76 pagpatay na may kaugnayan sa kampanya kontra droga.

Si Dela Rosa, na kilalang kaalyado ni Duterte sa Senado, ay dati nang nagsabing handa siyang sumama kay Duterte kung sakaling maglabas ng arrest warrant laban sa kanya ang ICC.

Binigyang linaw naman ng Department of Justice na wala pa silang natatanggap na kopya ng ‘warrant of arrest’ para kay Sen. Bato Dela Rosa mula sa International Criminal Court.

Ayon mismo sa ipinadalang mensahe ni Atty. Polo Martinez, spokesperson ng kagawaran, wala pa aniya silang kumpirmasyon na mayroon ng inisyu ang ICC na arrest warrant.

Saad niya’y kasalukuyan nilang bineberipika ang impormasyong nagsasabing naglabas at nakapagpadala na ang International Tribunal ng arrest warrant para kay Sen. Dela Rosa.