--Ads--

Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na posibleng ilabas na sa loob ng susunod na dalawang Linggo ang warrant of arrest laban sa mga senador na sangkot umano sa mga iregularidad sa flood control projects.

Ginawa niya ang pahayag nang tanungin kung posibleng maglabas ng arrest warrants ngayong Kapaskuhan, matapos mailabas na ang warrant laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Tinukoy naman ni Remulla ang kaso ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang “low-hanging fruit.”

Kung matatandaan kabilang si Revilla sa rekomendasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman para sa posibleng kasong kriminal kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects, kasama ang siyam pang indibidwal.

--Ads--

Binanggit ng ICI ang mga posibleng paglabag gaya ng plunder, tuwirang o di-tuwirang panunuhol, korapsyon ng mga opisyal ng gobyerno, at mga administratibong kaso.

Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang kampo ni Revilla. Ayon sa tagapagsalita niyang si Maria Carissa Guinto, hindi umano nakatanggap ng subpoena o pormal na reklamo ang dating senador at hindi rin nabigyan ng pagkakataong tumugon sa mga paratang.

Ibinunyag ni Remulla na nagsasagawa na ang kanyang tanggapan ng case build-ups laban sa ilang high-profile officials na sangkot umano sa kontrobersya, kabilang sina Sen. Francis Escudero at dating Sen. Nancy Binay.

Ang imbestigasyon ay nakabatay sa rekomendasyon ng ICI dahil sa bigat ng mga alegasyon.

Una nang itinanggi nina Escudero at Binay ang mga paratang. Ang mga referral ng ICI ay nakabatay sa mga affidavit at testimonya, kabilang ang kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre.