--Ads--

Inaasahang lalabas ngayong Linggo ang warrant of arrest laban sa kontraktor na si Sara Discaya kaugnay sa pagkakasangkot nito sa flood control anomaly.

Sa isang video message na ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi nito na kasunod ng paglabas ng warrant of arrest ay ang pag-aresto kay Discaya dahil sa kabiguan nitong tapusin ang mga proyekto at kontrata na nakuha nito sa gobyerno, at ang pagbulsa umano nito ng pera ng bayan.

Tiniyak ng Pangulo na hindi makakatakas sa hustisya ang mga taong nagnakaw sa pondo ng taumbayan at hinayaang magsakripisyo ang mga Pilipino na paulit-ulit na binabaha at nawalan ng mga bahay at kabuhayan dahil sa kagagawan ng mga tiwaling indibidwal.

Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na mayroong walong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Occidental ang nagpadala ng surrender feeler sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay pa rin sa anomalya sa flood control scam.

--Ads--

Matatandaan na nitong Biyernes ay inihayag ng Pangulo ang nabunyag na ghost flood control project sa Jose Abad Santos, Davao Occidental na nagkakahalaga ng halos P100 milyon na walang naitayong istruktura kahit na isang kumpol ng semento na ang contractor ay ang St. Timothy Corporation.