--Ads--

Umabot na sa critical level na 11.8 meters ang antas ng tubig sa Buntun Bridge sa lalawigan ng Cagayan simula kaninang alas-7 ng umaga (Nobyembre 11).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alvin Ayson, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense Region 2, sinabi niya na kung umabot sa 12 meters ang water elevation sa naturang tulay ay isasara na ito sa publiko.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog ay nararanasan na ang pagbaha sa ilang mga lugar sa Cagayan pangunahin na sa Tuguegarao City, Amulug, Alcala, Enrile, Piat, at Tuao.

Sa Isabela naman ay baha na rin sa ilang bahagi ng San Pablo, Cabagan, Roxas, City of Ilagan at City of Cauayan.

--Ads--

Sa ngayon ay isolated na rin ang buong bayan ng Dinapigue, Isabela.

Samantala, mayroon namang mga pagguho ng lupa na naitala sa lalawigan ng Quirino, habang sa Nueva Vizcaya naman ay isolated ang bayan ng Kasibu at ilang barangay ng Alfonso Castañeda partikular sa barangay Pelaway, Lipuga, at Cauayan dahil sa landslide.

Alas-6 ng umaga kahapon (Nobyembre 10) ay nakapag-deploy na ng mga rescue personnel ang ahensya sa Isabela at Cagayan katuwang ang mga uniformed personnel upang tumulong sa rescue operations at paglikas ng mga apektadong indibidwal.

Bago pa man manalasa ang bagyong Uwan ay nakapag-deploy na sila ng mga response assets at resources alinsunod sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

Sa ngayon ay sumampa na sa 28,451 pamilya o 86, 516 indibidwal ang nasa mga evacuation centers sa Lambak ng Cagayan habang 12, 276 pamilya o 38, 910 katao naman ang nananatili sa labas ng evacuation centers.