CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtaas ng water elevation ng Magat Dam dahil sa mga nararanasang pag-ulan na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS, sinabi niya na malaki ang naitulong ng mga pag-ulan sa watershed ng Dam pangunahin sa bahagi ng Ifugao at Nueva Vizcaya sa pagtaas ng volume ng tubig na pumapasok sa dam.
Una nang nagpalabas ng tubig ang NIA-MARIIS bilang paghahanda sa mga pag-ulang dala ng Habagat nitong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Engr. Dimoloy makakatulong ito upang makapag-ipon ang dam ng tubig sa normal na water level nito at maiwasan ang posibleng epekto nito sa pundasyon ng dam.
Sa nagdaang El NiƱo phenomenon ay naitala sa dam ang all time low na 171.97 masl. na water elevation nito.
Sa ngayon ay balik na sa normal ang naipong tubig ng dam kahit patuloy ang operasyon ng power generation at patubig sa mga sakahan.
Tiniyak naman ni Engr. Dimoloy na sapat ang suplay ng tubig sa dam para sa patubig lalo na at napaaga ang cropping calendar at mayroon nang mga nag-aani sa ngayon.