CAUAYAN CITY – Bahagyang tumaas ang water elevation ng Magat Dam matapos ang cut off sa patubig sa irigasyon bilang paghahanda sa susunod na cropping season.
Sa ngayon ang water elevation ng magat dam ay 176.48 meters above sea level at tumataas lamang ito ng 0.1-0.15 meters kada araw dahil sa mababang inflow sa magat water shed.
Magbabawas naman pansamantala ng area program o lugar na hindi mapapatubigan ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa susunod na cropping season dahil sa epekto ng El Niño.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering and Operations ng NIA-MARIIS, sinabi niya na hindi maisasama sa mga mapapatubigan ang mga nasa dulong bahagi na sakop ng kanilang programa.
Makakapagpatubig naman aniya ng pananim ang mga magsasaka na nasa tail end portion ngunit mahuhuli lamang sila dahil limitado lamang ang suplay ng tubig.
Aniya, nakipagpulong na ang kanilang tanggapan sa mga stakeholders at sa mga Irrigators Association at pabor naman sila sa hakbang na gagawin ng NIA-MARIIS.
Umaasa naman si Engr. Bermudez na magiging maganda ang panahon sa mga susunod na araw at buwan na makatutulong sa pagtaas ng water elevation sa Magat dam at madagdagan ang kanilang area program.
Umabot na sa 99% ang mga nakapag-ani ng kanilang mga pananim kaya wala ng sakahan ang kailangang mapatubigan sa ngayon.
Kasalukuyan naman ang pagsasaayos sa mga irrigation canals at facilities bilang paghahanda sa susunod na cropping season.
Ang inisyal na irrigation delivery para sa Wet Crop 2024 ay magsisimula sa May 7 kaya naman pinaalalahanan niya ang mga magsasaka na sumunod sa cropping calendar at irrigation delivery schedule para maging maayos ang pagpapatubig sa mga sakahan.