Isang welder ang inaresto ng mga awtoridad matapos umanong magnakaw ng alagang aso sa Brgy. Minante 1, Cauayan City, Isabela kagabi ng Enero 18.
Batay sa ulat, bandang 7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng biktimang itinago sa alyas na ‘Angel’, 28-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Minante 1.
Napag-alaman na nawawala ang dalawang aso ng biktima, isang lalaking Shih Tzu na kulay itim at isang babaeng Shih Tzu na kulay light brown na inilalagay sa loob ng metal cage.
Dahil dito, agad na nag-post ang biktima hinggil sa nawawalang mga aso. Makalipas ang ilang sandali, nakatanggap siya ng pribadong mensahe mula sa isang Facebook account na humihingi ng deskripsyon ng nawawalang alaga.
Sa kanilang pagsisiyasat, nadiskubre ng biktima na may isang indibidwal sa Brgy. La Paz, Cabatuan, Isabela na nagbebenta ng asong may kaparehong deskripsyon sa kanyang nawawala. Agad siyang humingi ng tulong sa CauayanCity Police Station.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang pulisya ng Cauayan City sa Cabatuan Municipal Police Station na nagsagawa ng follow-up operation sa Brgy. La Paz, Cabatuan, sa tulong ng isang kagawad sa Barangay, naaresto ang suspek na itinago sa alyas ‘Mar’, 38-anyos, may asawa, welder, at residente ng Brgy. La Paz, Cabatuan, Isabela.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang suspek ay dati umanong nagtatrabaho bilang in-house welder sa ongoing construction ng bahay ng biktima bago ang insidente. Nabawi rin ng mga awtoridad ang ninakaw na aso at agad na ibinalik sa biktima.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station at nahaharap sa kasong Qualified Theft alinsunod sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act, na inamyendahan ng RA 10631, habang nagpapatuloy ang karagdagang imbestigasyon ng pulisya.











